Monday, January 4, 2010

KATOLIKO KA BA?

KATOLIKO KA BA?
(Paanyaya sa lahat tungo sa tunay na Simbahang Katoliko)

PAUNANG SALITA

Sa mga naglilingkod sa Misa, mga lider, pangulo, “coordinators”, opisyal at sa iba pang mga Katolikong nagsisipag-simba,

Tungkulin ng bawat Kristyanong Katoliko ang mag-akay ng maraming kaluluwa sa kaligtasan sa pamamagitan ng pagtuturo ng tamang pananamplatayang pang-relihiyon at pang-espiritual (4th commandment [for parents]). Itinuturo mo ba sa iyong asawa at mga anak ang tamang relihiyon at gawaing pang-espiritual? Tinuturuan mo ba ang iyong kapatid at mga mahal sa buhay? Tinuturuan mo ba ang iyong kapitbahay at mga kaibigan? Iyan ay hindi isang “option”. Iyan ay isang tungkulin. Ano na nga ba ang iyong naituro sa mga taong iyong nasasakupan?

Mula noon hanggang ngayon, nananatili ang habilin ni Kristo, na paulit-ulit nating tinatanggap sa banal na Misa “Humayo kayo (ng payapa) at magpakarami” (Go in peace and multiply). Ang pagdami ay hindi sa bilang ng anak, kundi sa bilang ng mga mananampalaya na natuturuan ng tama at wasto ayon sa turo ng simbahan. “Magpakarami”, na ang ibig sabihin ay mamunga (be fruitful), mag-tawag at mag-akay ng madami pang tao sa kaligtasan. Inuulit ko, hindi iyan isang “option”. Iyan ay isang napakahalagang tungkulin, lalong-lalo na ng mga lider ng simbahan at mga namumuno sa lahat ng organisasyong pang-relihiyon. Nagagampanan mo ba ang iyong tungkulin?

KATOLIKO KA BA?

Ito ang katanungan sa madaming tao na nagpapanggap o di kaya’y naniniwala (sa pansariling kaalaman) na sila nga ay Katoliko. Ano nga ba ang basehan upang ikaw ay matawag na isang Katoliko? Bagama’t malawak ang paksa sa pagiging Katoliko, nawa ang mga sumusunod ay makapagbigay ng simple, payak at diretsong (simple & straight truth) kaliwanagan sa mga mambabasa.

Una sa lahat, ikaw ay Katoliko kung ikaw ay bininyagan bilang isang Katoliko, sa loob ng simbahang Katoliko, pinamunuan ng paring Katoliko, at gumamit ng opisyal na dasal at rito ng Katolikong simbahan. “Binyag”, ang unang sakramento na karaniwang tinatanggap ng Katolikong Kristyano. Syempre pa, ang katibayan nito ay nahahayag sa isang papel - “Baptismal Certificate”.

Matapos ang binyag, Katoliko ka na ba? Oo, isa ka ngang Katoliko ngunit may tungkulin ka sa sarili – ang panatilihin mo ang iyong sarili na banal na Katoliko. Hindi mo kaya ang maging banal sa pansariling kakayahan lamang. Kailangan mo ang Simbahan upang matulungan kang maging banal. (Tungkulin ng simbahan – magturo, mamahala at magpabanal [to teach, to govern and to sanctify]). Kaya kung ikaw ay kikilos at mamumuhay sa labas ng pangangalaga at turo ng simbahan, mahirap makamit ang pagiging isang Banal na Katoliko.

KUMIKILOS BA AKO SA LABAS NG PANGANGALAGA AT TURO NG SIMBAHAN?

Ang kilos at pamumuhay mo ay matatawag na labas sa turo at aral ng simbahan kung may “pagsuway” (disobedience) sa itinakdang utos ng Simbahang Katoliko. Kung may pagsuway, ito ay nangangahulugang ikaw marahil ay Katoliko sa binyag (at sa papel) ngunit hindi sa gawa at tamang pamumuhay. “Pagsuway” ang unang kasalanang pumasok sa mundo at sumira sa relasyon ng Diyos at tao (Disobedience, the first sin that entered the world). “Pagsuway” ang pisikal na manipestasyon ng “kayabangan” at “kasamaan” (Disobedience, the physical manifestation of pride and evil). “Pagsuway”, ito ang bulong ni satanas sa mga tao (tukso/temptation). “Pagsuway” ang unang itinuro ng ahas (satan) kay Eba at Adan (unang mga magulang). Hanggang sa ngayon, patuloy ang panunukso sa ating mga Kristyanong Katoliko na sumuway. Kung ikaw ay may pagsuway, isa itong pagmamalaki sa Simbahan (pride- a capital sin), isa itong pagtalikod sa Diyos (refusal to God and to the Holy Spirit), isa itong paglapastangang karumal-dumal sa Diyos (Abomination to God). Ano-ano ang iyong mga pagsuway sa turo at aral ng Simbahang Katoliko? Paano mo itutuwid ang iyong mga pagsuway?

ILAN LAMANG SA MGA KARANIWANG PAGSUWAY:
- Ikaw ba ay kumukunsulta sa mga manghuhula, magtatawas, albularyo, bolang kristal, “tarot cards”, astrology (not to be confused as astronomy), mangkukulam, itim na karunungan (walang puti, lahat ng uri ng “divination” ay itim), lahat ng uri ng pag-alam sa hinaharap, etc.?
- Ikaw ba ay kumukunsulta sa mga “trance”, pagtawag sa mga yumao, espiritista/“medium”, pagtawag at pakikipag-usap sa mga espiritung gumagamit sa pangalan ng mga kilalang santo, anghel, propeta maging sa mga gumagamit ng pangalan ng Sto.Nino, Mahal na Birhen at ni Hesus (at gumagamit at nagtatago sa pangalang “Ama” o “Amang Dakila”), etc.?
- Ikaw ba ay gumagamit ng mga ritwal o panalanging kakaiba na hindi ayon sa turo at aral ng Simbahang Katoliko?
- Ikaw ba ay kumikilos na animo’y sinasapian (trance/possession) ng kung sino-sinong espiritu at kaluluwa na ipinagbabawal ng Simbahan maging ano man ang layunin (Catechism of the Catholic Church [CCC] no.2117 - … even if this were for the sake of restoring their health are gravely contrary to the virtue of religion..).
- Ikaw ba ay sumasampalataya sa mga “objects of goodluck”, anting-anting “amulets & talisman” (bato, kristal, kahoy, salamin, etc.), lucky charms, love charms (gayuma), etc.?
- Ang mga pagsuway mo bang ito ay itinuturo mo pa sa iba, lalong-lalo na sa mga kabataan? (nagdudulot ng lalo pang higit na kasalanan at kapahamakan sa madaming kaluluwa).
- Ikaw ba ay dumadalo sa mga pagtitipon na hindi sakop at hindi ayon sa Simbahang Katoliko?
- Ikaw ba ay nakiki-isa sa (animo’y) misa na hindi sakop ng “tunay” na Simbahang Katoliko? (Tandaan na ang layunin ni Kristo at ng Simbahang Katoliko na Kanyang itinatag ay ang pagkaisahin ang mga Kristyano laban sa masama. Kung ang iyong samahan ay kumikilos sa labas ng utos ng Simbahan, at nagdudulot ng pagkakabukod [sa halip na pagbubuklod] sa mga taong sumasampalataya, iyan ay maliwanag na pagsuway at isang gawain ng kaaway [enemy of souls]).
- Ikaw ba ay kaanib ng samahang gumagamit ng pangalang pang-relihiyon na nagdudulot ng kalituhan (confusion) sa mananampalataya, sa halip na kaliwanagan? (“Confusion”, one of the devil’s tactics).
- Ikaw ba ay may gawaing hindi nagpapasakop sa Simbahang Katoliko, sa mga lider nito at mga itinalagang mga lokal na pinuno (Obispo, pari, delegated leaders of parishes and sub-parishes)?
- Ikaw ba ay nagtutuon ng mas maraming oras at mas mahalagang pansin sa ritwal, sa halip na sa pagdalo sa tunay na Banal na Misang Katoliko?
- Ikaw ba ay nakikinig sa mga kababalaghan at misteryosong mga kwento at aral sa halip na mag-aral ng tunay na turo at katesismo (at mga babala at paala-ala) ng Simbahan?
- Ikaw ba ay hindi lubos na nakiki-isa sa gawain ng Parokyang nakakasakop sa iyong lugar, nang may tamang pagsunod sa Kura Paroko (Parish Priest) na itinalaga ng Simbahan upang mangalaga sa pangangailangang pang-espiritwal?

MAGSURI KA NG IYONG MGA PANINIWALA AT GAWAIN. AYON BA ANG LAHAT NG ITO SA SIMBAHANG KATOLIKO?

KATOLIKO KA BA?


Bro.Arnold
KSB Team Leader